LUNGSOD NG COTABATO (PIA) -- Mas palalakasin pa ng pamahalaan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), sa pamamagitan ng Bangsamoro Sports Commission (BSC) ang pagsusulong ng “5-Throwing Sports” upang mas mapaunlad pa ang palakasan sa rehiyon ng Bangsamoro.
Ito ay matapos dumalo kamakailan ang mga opisyal ng BSC sa “Throwing Incentives Program Presentation” na inilunsad ng “5 Throws-For-All” incorporation sa lungsod ng Pasig.
Ang "5 Throws-for-All" ay isang non-profit at non-stock na korporasyon na nagsusulong ng limang throwing event kabilang dito ang Javelin Throw, Shot Put, Discus Throw, Hammer Throw, at Weight Throw.
Mayroong tatlong pangunahing programa ang organisasyon, kabilang dito ang pagbibigay ng mga insentibo sa mga thrower, pagbibigay ng mga kagamitan sa throwing, at pagbuo ng mga kumpetisyon at pagsasanay.
Samantala, sinabi ni BSC Executive Director Salihwardi Alba na ang mga manlalarong lalahok sa 5-Throwing Sports ay makakabenepisyo sa pamamagitan ng incentive program para sa mga thrower.
Magkakaroon din aniya sila ng oportunidad na makipagtagisan at manalo ng gold, bronze, at silver sa national at international competitions. (With reports from Bangsamoro government)