No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

1,697 atleta sa Marinduque lumahok sa Palarong Panlalawigan

BOAC, Marinduque (PIA) -- Pormal nang nag-umpisa ang tagisan ng galing ng nasa 1,697 na atletang kalahok sa 2023 Palarong Panlalawigan na ginanap sa bayan ng Boac, Marinduque.

Binuksan ang palaro sa pamamagitan ng parada ng mga manlalaro kasama ang kani-kanilang mga coach, opisyales ng lokal na pamahalaan at mga kawani ng Department of Education (DepEd) na sinimulan sa Marinduque National Highschool patungong Edmundo T. Reyes Sr. Recreation and Sports Complex.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni Mayor Armi Carrion ng Boac na sa bawat patimpalak ay may nananalo at may natatalo subalit ang pinakamahalaga ay natututo at nagpapatuloy sa bawat laro at laban ng buhay.

"Sa lahat ng mga manlalaro, batid naman natin na sa bawat patimpapalak ay may panalo at talo pero hindi ibig sabihin na kapag natalo ay mawawalan tayo ng gana bagkus ay mas lalo tayong magpursige. Sa mga manlalaro na nandirito ngayon sa aking harapan, lahat kayo ay panalo na sa aking pananaw," pahayag ng alkalde.

Sabay-sabay namang itinaas ang mga bandila ng bawat delegasyon na pinangunahan ni Vice Gov. Adeline Angeles, Provincial Administrator Vincent Michael Velasco, mga alkalde at bise-alkalde mula sa anim na munisipalidad.

Pormal ng sinindihan ang tanglaw o lighting of the urn sa 2023 Palarong Panlalawigan na sumisimbolo sa kapayapaan at pagkakaisa ng bawat manlalaro. (Larawanng kuha ni Karl R. Mercene/Marinduque News)

Isinagawa rin ang pagsisindi sa tanglaw o lighting of the urn na sumisimbolo sa kapayapaan at pagkakaisa kasabay ang panunumpa ng mga manlalaro o Oath of Sportsmanship na pinamunuan ni 2019 Mimaropa Regional Athletic Association Player  Von Erwin Sore.

Samantala, ipinahayag ni Maita Lazares, Division Sports Officer ng DepEd-Marinduque, ang kahalagahan ng muling pagpapanumbalik ng Palarong Panlalawigan matapos makansela nitong nakalipas na mga taon dahil sa pandemya.

Nasa 1,697 ang atletang lumahok sa 2023 Palarong Panlalawigan na ginanap sa bayan ng Boac, Marinduque. (Larawan mula kay Abdullah Ismael P. Magdalita/Marinduque News)

"Napakalaki ng kahalagahan ng ating 2023 Palarong Panlalawigan dito sa Marinduque dahil inaalagaan natin ang mental health ng mga kabataan. Ginagawa din natin na sila ay maging aktibo sa pisikal na aspeto na nalimitahan nang magkaroon ng pandemya. Kaya sa pagkakataon na ito, nagkaroon tayo ng oras at panahon na mabigyan ang lahat ng kabataan lalo na ang mga atleta ng mga ganitong aktibidad," ayon kay Lazares.

Nagpasalamat naman si Mayda Lagran sa lahat ng mga manlalaro, mga tagapagsanay at sa lahat ng tumulong para sa ikakatagumpay ng naturang palaro.

"Maraming maraming salamat sa oportunidad na ipinagkaloob ninyo sa amin lalo't higit sa lahat ng ahensya na tumulong upang maging matagumpay itong ating 2023 Palarong Panlalawigan gayundin kay Gov. Presbitero Velasco Jr. na todo ang suportang ibinigay sa lahat ng mga manlalaro at sa buong Schools Division of Marinduque," sabi ni Lagran.

Ngayong taon, pinakamarami ang mga kalahok mula sa bayan ng Boac na mayroong 374 na mga atleta, sinundan ng Santa Cruz na may 308, Buenavista-290, Mogpog-264, Torrijos-236 habang 225 naman ang mga kalahok mula sa bayan ng Gasan.

Tampok sa Palarong Panlalawigan 2023 ang mga palaro kagaya ng Arnis, Badminton, Basketball, Billiards, Chess, Dance Sports, Futsal, Speak Takraw, Softball, Swimming, Table Tennis, Taekwondo at Volleyball. (RAMJR/PIA MIMAROPA)

About the Author

Romeo Mataac, Jr.

Writer

Region 4B

Romeo is the information center officer of Philippine Information Agency-Marinduque.

Feedback / Comment

Get in touch