LUNGSOD NG KIDAPAWAN, Cotabato Province (PIA) -- Pinalawig ng Pamahalaang Panglungsod ng Kidapawan ang Labor Day Job fair hanggang Mayo 3.
Sa isang panayam, sinabi ni Kidapawan City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista na humiling siya na gawing tatlong araw ang job fair upang mapalawak ang pagkakataon at mas maraming residente ang maaaring makahanap ng trabaho.
"We expect na hindi matatapos ng isang araw lang," pahayag ni Mayor Evangelista patungkol sa job fair at dami ng mga aplikante.
" Ayaw po naming madaliin -- the process of interview, the process of application. Kailangang masinsinan to give everybody a chance to be hired.
Dagdag pa ng opisyal, "mahirap naman po na ang mabigyan ng chance ay 'yon lang nauna, tapos ['yong nahuhuli] maabutan ng cut-off. We do not want that to happen. We want the fullest opportunity to be hired and to get a job."
Bago pa man nagbukas ang job fair sa Kidapawan City Gymnasium, nakapagtala na ang Department of Labor and Employment (DOLE) 12 ng mahigit 4,000 na pre-registrant. Subalit, bago pa nagsimula ang aktibidad Lunes ng umaga, siksikan na sa mga aplikante ang City Gymnasium na may kapasidad na 8,000.
Handog sa 121st Labor Day job fair ang 1,739 na bakanteng trabaho na handog ng mga lokal na kompanya at 1,680 na trabaho sa ibang bansa.
Sa pagtatapos ng unang araw na job fair, 92 na indibidwal ang hired-on-the-spot. Kabilang sa kanila ang 76 na locally hired at 16 na tanggap na sa trabaho abroad.
Mas maraming aplikante pa ang inaasahang mabibigyan ng trabaho hanggang matapos ang job fair sa Miyerkules.
Samantala, magpapatuloy rin ang Kadiwa sa Pangulo Para sa mga Manggagawa at Diskwento Caravan hanggang Mayo 3. (PIA SOCCSKSARGEN)