LUNGSOD NG KIDAPAWAN, Lalawigan ng Cotabato (PIA) -- Isinusulong ng pamahalaang panlalawigan ng Cotabato ang pagpapalago sa industriya ng mangga sa probinsya sa pamamagitan ng pagsasagawa ng Mango Harvest Festival.
Ang aktibidad na magsisimula sa Mayo 8 hanggang Mayo 12 ay may layuning magbukas ng marami pang oportunidad para sa mga magsasaka ng mangga sa lalawigan. Layon din ng festival na makapagbigay ng dagdag na kaalaman at bagong teknolohiya sa mga mango grower.
Hinihikayat naman ni Provincial Mango Coordinator Alexander Paez ang mamamayan na makiisa sa Mango Harvest Festival bilang suporta na rin sa mga mango grower, contractor, at worker.
Kaugnay ng pagdiriwang, magkakaroon ng display ng mga mangga sa harap ng Pasalubong Center sa Provincial Capitol Compound sa Barangay Amas, Kidapawan na pwedeng mabili ng publiko. Magkakaroon din ng iba’t ibang patimpalak sa culmination day sa Mayo 12.
Isa naman sa mga hakbang bilang paghahanda sa gaganaping aktibidad, nagsagawa na ng mango harvesting sa mga bayan ng Tulunan at Libungan.
Positibo naman si Governor Emmylou Mendoza na sa pamamagitan ng aktibidad ay mas makikita pa ang potensyal ng mangga bilang mapagkukunan ng kabuhayan. Ang nasabing prutas ay kadalasang pinoproseso upang gawing juice, jam, candy, at iba pang produkto.
Ang mangga ay isa sa mga pangunahing produkto ng lalawigan ng Cotabato.
Samantala, una nang binigyang-diin ni Mendoza na isa sa mga prayoridad ng kanyang administrasyon ang pagsusulong na magkaroon ng sapat na pagkain at pagpapalago sa sektor ng agrikultura. Ang pagsasagawa ng Mango Harvest Festival, sa pakikipagtulungan ng iba’t ibang organisasyon, ay isa sa mga hakbang ng pamahalaan bilang tulong sa mga lokal na magsasaka lalo na ngayong panahon ng pandemya.