LUNGSOD NG KIDAPAWAN, Lalawigan ng Cotabato (PIA) -- Patuloy sa pagsasagawa ng mga pagsasanay ang pamahalaang panlalawigan ng Cotabato upang matulungan ang mga magsasaka na mapalakas ang kanilang produksyon at mapataas ang kanilang kita.
Pinakabagong pagsasanay na isinagawa ay ang organic vegetable production at organic fertilizer preparation sa Barangay Inas, M’lang na nilahukan ng 40 magsasakang tumatangkilik sa organic farming.
Sa bayan naman ng Kabacan, isinagawa ang pagsasanay sa oil palm production na nilahukan din ng 40 magsasaka mula naman sa mga bayan ng Carmen, Kabacan, at Matalam.
Noong nakaraang linggo, isinagawa din ang pagsasanay hinggil sa Sloping Agricultural Land Technology na dinaluhan ng 30 magsasaka sa Barangay Anick, Pigcawayan.
Ayon kay Board Member Jonathan na siyang chairman ng Committee on Agriculture and Food ng Sangguniang Panlalawigan, kinikilala ng pamahalaang pablalawigan ang kontribusyon ng sektor ng agrikultura sa pagpapalago ng ekonomiya ng probinsya.
Kaugnay nito, patuloy ang ginagawang hakbang ng pamahalaang panlalawigan upang masigurong nabibigyan ng sapat na tulong ang mga magsasaka.
Inaasahan namang marami pang pagsasanay ang ipatutupad sa mga benepisyaryong magsasaka sa lalawigan sa mga susunod na araw. (PIA Cotabato Province)