Sa pagtutulungan ng Philippine Information Agency (PIA-9), Mindanao Communicators Network (MCN), ang Lungsod ng Dapitan at pamahalaang lokal ng Zamboanga del Norte, mahigit sa isang libong Dapitanons ang napaglingkuran ng libreng serbisyo mula sa iba't-ibang ahensya ng pamahalaan. Kabilang sa mga serbisyong hatid sa mga mamamayan ng Dapitan City ay libreng medical check-up sa pangunguna ng Department of Health (DOH); libreng gupit ng buhok mula sa mga kasundaluhan; manicure, pedicure at libreng masahe mula sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA); National ID Registration at Libreng Pagrerehistro ng Kapanganakan sa mga late registrants hatid ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Dala din ng Social Security System (SSS) and kanilang serbisyong KaltaSSS collect at E-Center Program sa pamamagitan ng SSS on Wheels. Ang Kadiwa on Wheels naman ay pinangunahan ng Department of Agriculture kung saan namahagi din sila ng mga punla. Maliban dito kanya-kanyang programa din ang hatid sa mga mamamayan ng iba pang mga ahensya ng gobyerno tulad ng DTI, DOST, AFP, DENR, PNP-PRO9, DEPEd, BFAR, DOT at DSWD. Naging katuwang din sa pamimigay ng libreng serbisyo sa mga Dapitanons ang “Ayuda ni Nanay Nene”, kung saan namahagi ang grupo ni Gobernador Jalosjos ng libreng bigas.
Laking pasasalamat naman ng mga mamamayan na nagkaroon ng ganitong aktibidad sa kanilang lugar na nagsilbing malaking oportunidad sa kanila upang makilala ang Dapitan at mas mabilis na makakonekta sa iba’t ibang opisina upang makakuha ng kanilang libreng serbisyo.