No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

TESDA ZamboSur nakiisa sa pagbukas ng malawak na oportunidad sa trabaho

PAGADIAN CITY, 29 Agosto (PIA) - Sa pagdiriwang ng ika-29 na anibersaryo ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at National Tech-Voc Day, ang TESDA-9 ay nanguna sa pagsasagawa ng isang araw na sabayang job fair activity sa iba’t-ibang TESDA provincial offices sa rehiyon noong Agosto 25.

Ang TESDA-9 Zamboanga del Sur provincial office sa pangunguna ni Provincial Director Miraluna N. Baje-Lopez ay aktibong lumahok sa naturang aktibidad. Ang nasabing job fair ay umani ng 134 na kabuuang bilang ng mga aplikante samantalang nasa 16 na kumpanya at ahensya naman ang lumahok sa paghahanap ng mga lokal na manpower at overseas workers.

Ang aktibidad ay naging matagumpay sa pakikipagtulungan ng pamahalaang panlalawigan ng Zamboanga del Sur, Department of Labor and Employment (DOLE)-9, Department of Migrant Workers (DMW), Department of Trade and Industry (DTI)-9 at ng 53rd Infantry Batallion.

Isang motorcade ang isinagawa sa kahabaan ng lungsod bilang hudyat ng simula ng aktibidad na nilahukan din ng iba’t-ibang Technical and Vocational Education Training (TVET) institutions sa lalawigan.

Taon-taon nagsasagawa ang TESDA ng programang “World Café of Opportunities” (WOC) na kabilang sa paggugunita ng ahensya sa taunang National Tech-Voc Day. Ito ay isa sa mga inisyatiba ng ahensya upang mapag-ugnay ang mga nagtapos ng TVET sa mga oportunidad sa trabaho at maging tulay sa pag-uugnay ng mga ito sa mga potensyal na employer.

“We want to bring Tech-Voc to everyone and bring our people to the kind of work that they are dreaming for, through Tech-Voc education and training,” saad ni Direktor Lopez.

(Nais naming dalhin ang Tech-Voc sa lahat at dalhin ang mga tao sa uri ng trabaho na kanilang pinapangarap sa pamamagitan ng Tech-Voc na edukasyon at pagsasanay.)

Isa sa mga matagumpay na natanggap o ‘hired on-the-spot’ na si Ginoong Dominador Bation Jr., residente ng lungsod, ay nagpahayag ng kanyang taos-pusong pasasalamat sa TESDA.

“Nagpasalamat ko sa anibersaryo sa  TESDA karun nga nadawat gayud ako sa akong pagpangapply ug trabaho,” aniya.

(Nagpapasalamat ako sa anibersaryo ng TESDA ngayon dahil ako ay natanggap sa aking pag-aapply ng trabaho.)

Bukod sa job fair, itinampok din sa event ang skills exhibit na kung saan 19 TVET institutions mula sa lalawigan ang lumahok.

Nagsilbing one-stop-shop din ang event kung saan ang mga aplikante ay maaaring humingi ng tulong o mag proseso ng iba’t-ibang dokumento na maari nilang gamitin sa kanilang paghahanap ng trabaho. Kabilang sa mga ahensya ng gobyerno na nag-alok ng frontline services ay ang Social Security System (SSS), Philippine Statistics Authority (PSA), Pag-ibig Fund at Philippine Health Insurance Corporation. (RVC/SBM/PIA9-Zamboanga del Sur)

About the Author

Sheena Mae Mendoza

Information Officer I

Region 9

Sheena Mae B. Mendoza is a graduate of Bachelor of Science in Information Technology at Central Mindanao University. She is currently pursuing her post-graduate studies in Public Administration. She is an environmental advocate who loves to connect with nature.

Feedback / Comment

Get in touch