Nilinaw ng Office of the Executive Secretary (OES) noong Biyernes na ang Executive Order (EO) No. 39, na nagtatakda ng price ceiling sa regular at well-milled rice sa buong bansa ay epektibo na ngayong Martes, Setyembre 5.
Ayon kay OES Undersecretary Leonary Roy Cervantes, ang price cap sa bigas ay magkakabisa na agad sa pagkalathala ng EO No. 39 sa mga pambansang pahayagan.
Alinsunod sa EO No. 39, ang presyo ng regular milled rice ay hindi lalagpas sa P41.00 kada kilo habang ang well-milled rice ay hanggang P45.00 kada kilo lamang.
Nanawagan naman ang Office of the Executive Secretary na ang anumang mga katanungan o reklamo kaugnay sa kautusan na ito ay maaaring maidulog sa 8888 Citizens’ Complaint Center.
Ang naturang price cap ay inaprubahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Agosto 31 base na rin sa rekomendasyon ng Department of Agriculture (DA) at ng Department of Trade and Industry (DTI).
Inatasan din ni Pangulong Marcos ang DA at DTI na i-monitor ang mga presyo ng bigas sa pamamagitan ng pagbisita sa mga wet markets, supermarkets, mga bodega at mga imbakan upang maayos na maimplementa ang kautusan at mapigilan ang anumang hoarding, profiteering o panghuhuthot, at iba pang ilegal na mga aktibidad.
Ayon naman sa National Economic and Development Authority (NEDA), ang pagtatakda ng price ceilings sa bigas ay hindi lamang naglalayong mapababa ang presyo nito o ang maparusahan ang mga violators kundi ang mapaghina ang loob ng mga indibidwal sa pagho-hoard o iligal na pagkamkam nito.
Binigyang-diin ng NEDA ang napapanahong pagpataw ng price ceiling sa presyo ng bigas sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing pagkain sa merkado sa buong bansa at ang nagbabantang epekto ng El Niño phenomenon at iba pang pandaigdigang krisis na nakakaapekto sa pandaigdigang pamilihan.
Dagdag nito na prayoridad ng gobyerno na matiyak na may sapat na suplay ng bigas ang bansa at ito'y abot-kaya ng mga mamamayang Pilipino. (HJPF - PIA SarGen)