No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

DOLE, namahagi ng butterfly farming starter kits sa mga gradweyts ng TESDA

"Fly high and multiply butterflies!" Ito ang naging sigaw ng 12 kababaihan mula sa bayan ng Boac na nagpahayag ng kanilang kasiyahan at determinasyon, matapos mabigyan ng Butterfly Farming Starter Kits mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) Marinduque kaagapay ang mga bumubuo sa Butterfly Convergence Group.

Ayon kay Philip Alano, Provincial Director ng DOLE-Marinduque, may kabuuang halaga na P438,672 ang pondong inilaan ng kanilang ahensya para sa naturang proyekto kung saan ang mga benepisyaryo ay kailangang kumuha at magtapos ng kursong Butterfly Production National Competence Level II (NCII) mula sa Technical Education Skills and Development Authority (TESDA).

Dagdag ni Alano, ang pagdalo sa nasabing programa ay nagpapakita ng kanilang pagtutok sa pag-aaral at pag-unlad sa larangan ng pag-aalaga ng mga 'bila-bila', lokal na katawagan sa paru-paro.

Ang Butterfly Farming Starter Kit na ibinigay sa mga benepisyaryo ay naglalaman ng mga mahahalagang kagamitan tulad ng gardening boots at gloves, insect fine mesh net, tansi nylon, cotton roll at welded pipe na pawang kinakailangan sa pag-aalaga at pagpapalago ng butterfly farming.

"Ang pagkakaroon ng mga kagamitang ito ay may mahalagang papel sa pagpapalago ng industriya ng butterfly farming. Ipinakikita nito na ang mga benepisyaryo ay matutulungan sa pag-aalaga ng kanilang mga paru-paro, kung saan ang mga kagamitang tulad ng mesh net, tansi nylon, at welded pipe ay magbibigay ng proteksyon at kaginhawahan sa kanilang mga alaga. Bukod dito, ang mga gloves at gardening boots ay magbibigay ng proteksyon sa kanilang sarili habang nagtatrabaho," saad ni Alano.

Mahalaga rin aniya na mabigyan ng oportunidad ang mga benepisyaryo mula sa iba't ibang barangay tulad ng Caganhao, Amoingon, at Bunganay dahil ipinakita ng proyekto na hindi lamang pangkabuhayan ang naibigay sa mga direktang benepisyaryo, kundi pati na rin sa kanilang mga pamilya at komunidad.

Espesyal din ang papel ng mga magulang ng dating child laborers na naging bahagi ng programa sapagkat nagkaroon ng pagkakataon na maging bahagi ng produktibong gawain na makatutulong sa kanilang kabuhayan at sa kinabukasan ng kanilang mga anak.

Sa kabuuan, ang inisyatiba ng DOLE ay isang halimbawa ng pagsusulong ng inclusive economic development, kung saan ay binibigyan ng pagkakataon ang mga nasa marginalized na sektor na umunlad at magkaroon ng sapat na kabuhayan kasabay ang pagpapakita nang kahalagahan ng mga programa na naglalayong magbigay ng suporta sa mga komunidad na nangangailangan upang maiangat ang antas ng kanilang pamumuhay at kabuhayan.

"Masayang-masaya po ako at madaragdagan na po ‘yung kulungan ko ng bila-bila. Nagpapasalamat po ako sa lahat ng mga bumubuo sa convergence group. Tuluy-tuloy po ang pag-aalaga namin, lalo pa po naming sisipagan," pahayag ni Elcilen Mabato, paru-paro breeder at isa mga benepisyaryo ng programa.

Nagpaabot din ng pasasalamat si Nancy Fellizar kung saan ay sinabi niya, “Maraming-maraming salamat at nabigyan po kami ng tulong pangkabuhayan para pangsuporta sa aking mga anak sa pag-aaral at sa aking pamilya, sa pang-araw-araw na gastusin. Pagsusumikapan ko po na maitayo itong ibinigay niyong livelihood sa aming pamilya nang hindi na po magtrabaho ang aking anak, para tuluy-tuloy po ang kanyang pag-aaral hanggang sa makatapos.”

Isinagawa ang Province-wide Reinvigoration of Economic Skills in Butterfly Industry-Livelihood and Value-addition (PRESBI-LAV) Convergence Project sa Marinduque na may layuning magbigay ng oportunidad at kabuhayan, suporta, at pagpapalago sa industriya ng butterfly farming pati na rin ang pagpapalawak ng turismo at ekonomiya ng probinsya.

Bahagi ng proyektong ito ang ilang myembro ng convergence group, kabilang sina TESDA Marinduque Provincial Director Dr. Zoraida Amper, Provincial Director Dr. Roniel Macatol ng Department of Trade and Industry (DTI), Provincial PESO Manager Alma Timtiman ng Livelihood and Manpower Development-Public Employment Services Office (LMD-PESO), Development Management Officer Engr. Cynthia Lozano mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR)-PENRO, Project Development Officer Richard Justin Lancion ng Department of Information, Communications and Technology (DICT), at Provincial Tourism Officer Jose Rino Labay ng Marinduque Provincial Tourism and Cultural Office.

Ang suporta ng mga nabanggit na indibdwal at tanggapan ay nagpapakita ng kooperasyon at pagkakaisa ng bawat isa para sa nasimulang programa na may adhikaing magtutulung-tulong ang mga miyembro ng convergence group para ma-iangat ang antas ng industriya ng bila-bila at mga benepisyaryo na magreresulta para magkaroon ng positibong epekto sa ekonomiya at turismo ng probinsyang itinuturing na Buttery Capital of the Philippines-- ang Marinduque. (RAMJR/KKB/PIA MIMAROPA - Marinduque)

About the Author

Romeo Mataac, Jr.

Writer

Region 4B

Romeo is the information center officer of Philippine Information Agency-Marinduque.

Feedback / Comment

Get in touch