BOAC, Marinduque (PIA) -- Sumailalim sa pagsasanay hinggil sa paggawa ng tocino at longganisa ang humigit 25 benepisyaryo ng Gender and Development (GAD) program sa bayan ng Boac, kamakailan.
Sa pamamagitan ng proyektong 'Product Development for Homemade Tocino and Longganisa', tinuruan ang mga kalahok sa tamang pagpreserba, paggawa at pagbenta ng naturang produkto.
Ang gawain na pinangunahan ng Department of Trade and Industry (DTI)-Negosyo Center-Philippine Chamber of Commerce & Industry (PCCI) sa pakikipagtulungan sa pamahalaang panlalawigan ng Marinduque ay naglalayong makapagbigay ng karagdagang kita at hanapbuhay sa mga benepisyaryo.
Binigyang-diin sa nasabing seminar na malaking tulong ang kaalaman sa pagproseso ng karne, tulad ng tocino at longganisa, dahil higit na tumataas ang presyo ng mga ganitong produkto kumpara sa hilaw na karne lamang.
Isinagawa ang pagsasanay sa Shared Service Facility Rootcrops Processing Center ng DTI sa Barangay Tabi. (RAMJR/PIA MIMAROPA)