BUENAVISTA, Marinduque (PIA) -- Umabot sa 240 na mga mamimili ang nakinabang sa Balik Eskwela Diskwento Caravan na inorganisa ng Department of Trade and Industry (DTI)-Marinduque sa Barangay Yook, Buenavista kamakailan.
Ayon kay Roniel Macatol, Provincial Director ng DTI-Marinduque, kumita ng nasa P180,670.90 ang Puregold Boac Branch na naging katuwang ng tanggapan sa pagsasakatuparan ng proyekto.
Dagdag pa ni Macatol, ang caravan ay ginagawa taun-taon bago ang pagbubukas ng klase upang mabigyan ng pagkakataon ang mga mag-aaral at mga magulang lalo na ang mga mababa ang kita na makabili ng mga school supplies sa murang halaga.
Kabilang sa mga ibinenta sa caravan ay bag, papel, lapis, ballpen, krayola, notebook, tsinelas at iba pang gamit sa paaralan at opisina.

Ang Balik-Eskwela Diskwento Caravan program ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa mga micro, small medium enterprises o mga supplier para i-promote at ibenta ang kanilang mga produkto sa mga may diskwentong presyo na karaniwang mula 10 porsiyento hanggang 50 porsiyento ng mga regular na presyo sa merkado.
Samantala, dumalo rin sa naturang programa si Rodolfo Mariposque, ang Assistant Regional Director ng DTI-Mimaropa at mga kinatawan mula sa lokal na pamahalaan ng Buenavista. (RAMJR/PIA MIMAROPA)