MOGPOG, Marinduque (PIA) -- Inilunsad ng Sangguniang Kabataan (SK) ng Barangay Ino sa bayan ng Mogpog ang programang Poultry Production: Kabuhayan para sa mga Kabataan, kamakailan.
Pinangunahan ni SK Chairman Sherwin Malinao ang pamamahagi ng mga alagaing sisiw o 45 days na manok sa 25 kabataan sa kanilang barangay.
Ayon kay Malinao, layunin ng programa na mabigyan ng kabuhayan ang mga kabataan sa kanilang pamayanan gayundin, upang mapalakas ang suplay ng karne ng manok sa kanilang bayan at mabigyan ng sapat na kaalaman ang mga benepisyaryo sa usaping pang-agrikultura.
Ang nasabing mga kabataan ay tumanggap ng tig-100 pirasong sisiw, patuka at bitamina, isang sako ng chick booster, dalawang sako ng chick starter, tatlong sako ng chick grower, tig-isang bote ng robestrips at multi-lyte.
Samantala, sinabi ng SK president na nasa ₱16,410 ang halaga ng bawat isang poultry production package na ibinigay sa mga benepisyaryo at may kabuuang pondo na ₱410,250 na nagmula sa Sangguniang Kabataan Fund-Supplemental Budget. (RAMJR/GASL/PIA MIMAROPA)