No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Mga bangkang de-motor, ipinamahagi sa mga mangingisda sa Torrijos

TORRIJOS, Marinduque (PIA) -- Namahagi ang Pamahalaang Panlalawigan ng Marinduque ng mga bangkang de-motor sa mga mangingisda sa bayan ng Torrijos katuwang ang Department of Labor and Employment (DOLE),

Pinangunahan ni Provincial Administrator Vincent Michael Velasco ang pagkakaloob ng 39 na starter kit motorized wooden fishing boats sa mga benepisyaryong lubos na naapektuhan ng nagdaang Bagyong Quinta at Rolly.

"Makakaasa po kayo na tuluy-tuloy ang pagtulong at pag-agapay ng ating pamahalaan at ng DOLE sa pagpapaunlad ng kabuhayan ng ating mga kababayan," ani Velasco.

Pamamahagi ng bangkang de-motor sa mga benepisyaryong mangingisda sa bayan ng Torrijos. (Larawan mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Marinduque)

Samantala, nakatakda namang ipamahagi ang natitira pang 61 bangka sa mga mangingisda sa munisipalidad ng Santa Cruz.

Una nang ipinagkaloob sa mga benepisyaryong mangingisda sa bayan ng Buenavista, Boac, Gasan at Mogpog ang 100 bangkang de-motor kung saan ay aabot sa 200 ang kabuuang bilang nito.

Ang naturang mga bangka ay pinondohan ng P6 milyon sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood Program (DILP) habang humigit P2 milyon naman ang pondong inilaan ng Marinduque Provincial Government para sa pagbili ng mga makina, timon, elisi at iba pang gamit para mapatakbo ang mga sasakyang pangpangisdaan. (RAMJR/PIA-MIMAROPA)

About the Author

Romeo Mataac, Jr.

Writer

Region 4B

Romeo is the information center officer of Philippine Information Agency-Marinduque.

Feedback / Comment

Get in touch