BOAC, Marinduque (PIA) -- Pormal nang binuksan ang Boac Quadricentennial Sports Festival sa Marinduque State College Gymnasium.
Pinangunahan ni Boac Mayor Armi Carrion ang pagpapasinaya ng palatuntunan na dinaluhan ng mga manlalaro mula sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaang nasyunal, panlalawigan at pambayan.
Nakiisa rin si Buenavista Mayor Eduardo Siena para ipakita ang kanyang maalab na pagsuporta sa nasabing aktibidad.
Pinasalamatan naman ni Carrion si Dr. Diosdado P. Zulueta, kasalukuyang pangulo ng Marinduque State College sa pagkakataon na maipagamit ang pasilidad ng institusyon para sa naturang gawain.
“Naway ang palarong ito ang maging susi upang mas lalong mapagtibay ang samahan ng ating mga kapwa lingkod-bayan," pahayag ni Carrion.
Inaasahang magpapatuloy ang paglalaban-laban ng bawat koponan hanggang sa katapusan ng buwan.
Ang Quadricentennial Sports Festival ay isa sa mga tampok na gawain sa nalalapit na selebrasyon ng ika-400 taong muling pagkakatatag ng bayan ng Boac na nakatakda sa Disyembre 8. (RAMJR/AMKAA/PIA MIMAROPA)