No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

DOST-Marinduque kinilala sa paglalagay ng Starbooks sa mga paaralan

BOAC, Marinduque (PIA) -- Kinilala ang Department of Science and Technology (DOST)-Marinduque sa 11th Starbooks Deployment Officer's Assembly dahil sa pagkakaroon ng pinakamataas na porsyento sa paglalagay ng kiosk station sa mga pampublikong paaralan sa lalawigan.

Ang Starbooks o Science and Technology Academic and Research-Based Openly-Operated Kiosk Stations ay proyekto ng DOST-Science and Technology Information Institute na naglalayong makapagbigay ng kaalaman tungkol sa agham at teknolohiya partikular sa mga mag-aaral sa buong panig ng bansa.

Nilalaman ng Starbooks ang iba't ibang digital na koleksyon na mga aralin at materyales hingil sa 'science and technology' na may iba't ibang artikulo, libro, teksto, dokumentaryo, larawan, mga tala ng boses (audio recordings) at mga video na nakalagay sa espesyal na idinisenyong "mga pod."

Sa kanyang mensahe, binigyang halaga ni DOST-Marinduque provincial director Bernardo Caringal ang pagsisikap at kontribusyon ng mga stakeholder para maging matagumpay ang nasabing proyekto.


Ayon sa kanya, mithiin din ng ahensya na makapaglagay ng maraming Starbooks sa lahat ng pampublikong paaralan maging sa mga barangay hall at iba pang lugar-aralan.

"Ipinaabot ko ang masidhing pagpapahalaga sa mga nagsumikap at tumulong sa gawaing ito. Gayunpaman, hindi rito natatapos ang ating misyon na makapagbigay sa mga mag-aaral ng mapagkukunan ng kaalaman lalo na ang patungkol sa agham at teknolohiya. Kabilang sa aming plano ay ang paglalagay ng mas maraming Starbooks sa lahat ng natitirang pampublikong paaralan at maabot din ang mas maraming barangay hall at iba pang mga learning community sa hinaharap," pahayag ni Caringal.

Taong 2020 nang pangunahan ng DOST-Mimaropa katuwang ang Department of Education (DepEd)-Marinduque, Marinduque State College (MSC) at pamahalaang panlalawigan ang 'mass installation' ng Starbooks sa mga pampublikong paaralan at barangay hall sa buong probinsya. (RAMJR/AMKDA/PIA-Marinduque)

About the Author

Romeo Mataac, Jr.

Writer

Region 4B

Romeo is the information center officer of Philippine Information Agency-Marinduque.

Feedback / Comment

Get in touch