No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

CRMC nananawagan sa publiko na mag-avail ng libreng serbisyong medikal

LUNGSOD NG COTABATO (PIA) -- Nanawagan ang Cotabato Regional and Medical Center sa mamamayan sa lungsod ng Cotabato at mga katabing munisipalidad na tangkilikin ang mga libreng serbisyong medikal na isinasagawa ng nasabing ospital.

Sa isinagawang programa sa radyo na PIA Talakayang Dose ng Philippine Information Agency 12, sinabi ni Dr. Jhoana Marie Zambrano, hepe ng Public Health Section ng CRMC, na may mga libreng serbisyong ipinagkakaloob ang naturang ospital katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at pribadong organisasyon.

Katunayan, aniya, sa Mayo 24 ay magsasagawa sila ng libreng cervical cancer screening sa mga health center ng lungsod at sa outpatient department ng CRMC.

Ayon sa kanya ito ay bilang pakikiisa sa Cervical Cancer Awareness Month ngayong Mayo.

Kamakailan ay nagsagawa ang CRMC ng surgical mission para sa mga batang may cleft lip o cleft palate.

Abot naman sa 92 bata ang nakinabang sa aktibidad na naisakatuparan sa pakikiisa ng Smile Train Foundation, Ministry of Health, Rotary Club, JCI-Cotabato, at Tingog Party-list.

Ayon kay Zambrano, sa susunod na mga araw ay magsasagawa rin ang CRMC ng mga neurological at minor surgery.

Kaugnay nito, hinikayat ng naturang opisyal ang publiko na abangan ang mga anunsyo para sa mga serbisyong medikal ng CRMC sa kanilang official Facebook page na Cotabato Regional and Medical Center. (PIA Cotabato City)

About the Author

Shahana Joy Duerme-Mangasar

Writer

Region 12

Feedback / Comment

Get in touch