No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Bilang ng mga Marinduqueno na tumanggap ng PhilID umabot na sa 49,139

BOAC, Marinduque (PIA) -- Umabot na sa 49,139 ang bilang ng mga mamamayan sa lalawigan ng Marinduque na nakatanggap ng kanilang Philippine Identification Card o PhilID base sa pinakahuling impormasyong ibinahagi ng Philippine Post Office sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Ayon kay Gemma N. Opis, Chief Statistical Specialist ng PSA-Marinduque, ang bayan ng Boac ang nangunguna sa may pinakamaraming indibidwal na nakakuha na ng kani-kanilang mga aktuwal na PhilID card kung saan ay nasa 18,929 ang bilang nito.

Pumangalawa ang bayan ng Santa Cruz na mayroong 9,024, sumunod ang Mogpog na may 8,540, Torrijos na may 4,830, Buenavista na may 4,456 habang 3,360 naman ang bilang ng mga residente na tumanggap ng PhilID card sa bayan ng Gasan.

Patuloy na ipinapayo ng PSA sa mga nakatanggap ng national identification card na ingatan at iwasang mawala ang mga ito dahil matatagalan pa ang re-issuance ng panibagong ID, gayundin ipinapaalala na huwag ipaalam sa iba at i-post sa social media ang Philippine System (PhilSys) Number na nakalakip sa sobre kasama ang PhilID upang hindi makompromiso ang personally identifiable information ng isang indibidwal.

Batay sa Republic Act No. 11055 o ang Philippine Identification System (PhilSys) Act, ang PhilID ang magsisilbing opisyal na pambansang pagkakakilanlan ng isang mamamayan ng Pilipinas kung saan ito ay maaaring gamitin sa anumang transaksyon sa lahat ng nasyunal at lokal na ahensya ng gobyerno kasama na ang mga pribadong sektor katulad ng bangko at iba pang institusyon. (RAMJR/AMKDA/PIA Mimaropa-Marinduque)

About the Author

Romeo Mataac, Jr.

Writer

Region 4B

Romeo is the information center officer of Philippine Information Agency-Marinduque.

Feedback / Comment

Get in touch