No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Barangay Nutrition Scholars sa Marinduque, tumanggap ng honorarium

BOAC, Marinduque (PIA) -- Tumanggap na ng honararium ang nasa 242 na mga Barangay Nutrition Scholar (BNS) na naglilingkod sa lalawigan ng Marinduque.

Kasama si Dr. Rubi Apiag, Provincial Nutrition Program Coordinator ng Provincial Nutrition Office, personal na iniabot ni Gov. Presbitero Velasco, Jr. sa mga BNS ang cash na nagkakahalaga ng P2,250 para sa kanilang tatlong buwang pagseserbisyo sa mga barangay.

Ayon kay Velasco, napakahalaga ng papel na ginagampanan ng Barangay Nutrition Scholars para masubaybayan ang nutritional status ng mga bata sa mga komunidad.

"Malaki po ang utang na loob namin sa inyo sapagkat sa kabila ng limitadong honararium ay ginagampanan ninyo ng buong puso ang inyong mga trabaho para makapagbigay ng maayos na nutrisyon sa ating mga kabataang Marinduqueno," pahayag ng Gobernador.

"Importante po ang inyong ginagawa sa ating nation-building sapagkat kayo ang nagiging katuwang namin sa paghulma ng mga kabataang may malakas na pangangatawan at matalinong kaisipan na makatutulong upang maging progresibo ang ekonomiya ng ating probinsya sa mga susunod na panahon," dagdag pa ng Punong Panlalawigan.

Bago matapos ang pamamahagi ng nasabing honararium ay isinagawa rin ang oryentasyon para sa bagong programa ng Pamahalaang Panlalawigan-- ang Kusina sa Barangay na may adhikaing magbigay ng mga masusustansyang pagkaing pang-umagahan sa mga batang mag-aaral na nagmula sa mga mahihirap na pamilya. (RAMJR/PIA Mimaropa - Marinduque)

About the Author

Romeo Mataac, Jr.

Writer

Region 4B

Romeo is the information center officer of Philippine Information Agency-Marinduque.

Feedback / Comment

Get in touch