Ipinahayag ng Japanese businesses ang kanilang interes sa pagpapalakas ng partnership sa Pilipinas dahil sa patuloy na paglago ng ekonomiya sa ilalim ng administrasyong Marcos. Ito aniya ay nagresulta sa pagiging attractive investment destination ng bansa.
Ayon kay Ken Kobayashi, pinuno ng Japanese Chamber of Commerce and Industry (JCCI), isang dahilan kung bakit nahikayat ang mga Japanese investors na mamuhunan sa Pilipinas ay dahil sa matatag at mataas na antas ng economic growth nitong mga nakaraang taon. Ito ay dahil na rin sa inaasahang pagdami ng workforce at domestic demand.
May tugon naman si Kobayashi sa Socioeconomic 8-point Agenda na iprinisenta ni Pangulong Marcos sa kanilang JCCI courtesy sa Malacañang, kung saan itinutuon nito ang social security, pagpapaunlad ng human capital, pagpapalago ng investment, pagpapalakas sa digital infrastructure, pagsusulong ng green economy, at iba pa na makatutulong sa pagpapalawak at paglikha ng mga trabaho. Nakikita aniya nito ang magiging matinding kooperasyon ng Japan at Pilipinas sa mga aspetong nabanggit.
Binanggit ni Kobayashi ang kahalagahan ng Pilipinas sa Asya kaya napagpasyahan nilang unahing bisitahin ang bansa pagkatapos nilang i-resume ang kanilang misyon sa ibang bansa. Ito aniya ang unang economic mission na isinagawa ng JCCI mula nang magka-pandemya.
Bilang tugon, kinilala ng Pangulo ang patuloy na tulong ng Japan sa Pilipinas sa larangan ng pagpapaunlad ng imprastruktura, datapuwa’t kinikilala rin nito ang kasalukuyang kinakaharap ng bansang Japan dulot ng makabagong ekonomiya at mga teknolohiya at kailangan nitong gampanan ang papel nitong pag-ambag sa pagbabago ng pandaigdigang ekonomiya.
Bukod sa pagsusulong ng infrastructure development, renewable energy, digitalisasyon, at telekomunikasyon, binanggit din ng Pangulo na itinutuon ng Pilipinas ang pagpapabuti ng agrikultura nito at pagsasagawa ng mga hakbang upang matugunan ang hamon dulot ng pagbabago ng klima o Climate Change.
Ayon kay Kobayashi, ang Japanese mission ay binubuo ng mga miyembro na umaabot sa 70, na kumakatawan sa mga pangunahing tagapamahala ng Japanese corporate world, na nagpapakita naman ng interes ng mga korporasyong Hapones sa Pilipinas.
Ang JCCI ang pinakamalaking business organization ng Japan na binubuo ng 1.25 milyong mga kumpanya mula sa mga malalaking korporasyon hanggang sa mga small-and medium-sized enterprises, dagdag nito. Mayroon din aniyang 515 local chambers sa buong bansa ng Japan. (HJPF - PIA SarGen)