Maraming salamat sa ating Undersecretary Ding Panganiban ng DA. [Please sit down]
Ang ina ng lahat ng itong programa na tinitingnan natin ngayon, ‘yung rice tariffication, pati na itong RCEP na tumutulong sa ating mga rice farmers, ang ating butihing senador, Senator Cynthia Villar [applause]. Ay gagayahin ko rin siya. Mahina ‘yung palakpak ninyo, siyang… [applause] Kanyang project ito. Kung hindi sa kanya, wala tayong ganito kaya palakpakan niyo nang malakas para maraming ang bigay. [applause]
[Sen. Villar: Nagugutom na.]
Sabi ni Senator Cynthia, minamadali niyo na raw ako kasi gutom na kayo.
Governor, ang ama ng lalawigan ng Nueva Ecija, Nueva Ecija Governor, Governor Umali. [applause]; the Science City of Muñoz Mayor, Mayor Armi Alvarez [applause]; CLSU President Dr. Edgar Orden [applause]; ang lahat ng aking mga kasamahan na nagtatrabaho sa serbisyo publiko, sa gobyerno, at ang ating mga bisita, magandang tanghali po sa inyong lahat. [applause]
Maraming, maraming salamat sa napakainit na pagtanggap ninyo sa amin sa araw na ito. Natutuwa po ako na makasama at mas mapalapit sa ating mga kababayan dito sa Nueva Ecija. Ito na rin ang isang pagkakataon ko at nakabalik ako upang ako naman ay personal na magpapasalamat sa inyo para sa inyong naging tiwala at suporta sa aking pamahalaan. [applause]
Hindi ko po makakalimutan si Gov. pinuntahan ako sa opisina. Maaga pa ‘yun. [Kailan? That was only --- that was in September pa yata, October.] October pa nung 2021.
Sabi niya --- pinuntahan ako ni Gov. Sabi niya sa akin, pumunta ka doon sa amin at mayroon kaming --- may mga nag-organize ng caravan. Kaya’t isa sa una na caravan na sinimulan namin sa halalan ay dito sa Nueva Ecija kaya’t hindi ko po makakalimutan. [applause] Kayo ng nagbigay ng lakas loob sa akin.
Sabi ko noong nakita ko kayo at ‘yun na nga mainit ang salubong. Sabi ko, baka may pag-asa ito. Baka puwede nating ipanalo ito. Kaya’t ako’y laging magpapasalamat po sa inyo, sa inyong naging --- ang binigay ninyong inspirasyon sa amin upang mag --- makilahok sa ating halalan at sa suporta na binigay niyo sa amin ni Inday Sara, lahat po ng aming mga kandidato at asahan po ninyo na aming isusukli ang inyong suporta, ang inyong pag-aalala sa magandang trabaho para pagandahin ang buhay ng bawat Pilipino. [applause]
Narito po tayo ngayon upang pag-ibayuhin ang kalagayan ng ating mga magsasaka at buong sektor ng agrikultura dito sa Nueva Ecija at sa Central Luzon.
Ang Central Luzon, partikular na ang Nueva Ecija, ay [kilala] sa angkin nitong kasaganahan at kagalingan sa larangan ng agrikultura. Higit walumpung porsyento ng lupain ng rehiyon [ay] nakatuon sa agrikultura, partikular na sa pagtatanim ng palay. Kaya naman ito ay kinikilala bilang, kung ‘ika nga eh, Rice Granary of the Philippines.
Lalo na [rito] sa Nueva Ecija na pinakamalaking producer ng palay at sibuyas sa buong bansa.
Sa Nueva Ecija pa lang, mayroon na tayong mahigit 134,000 na magsasaka na nagsisikap araw-araw para lamang matiyak na ang bawat Pilipino ay may sapat na pagkain sa ating mga hapag.
Sa inyong malaking kontribusyon sa agrikultura ng bansa, taos-puso kaming nagpapasalamat sa inyong lahat, sa inyong pagsisikap para --- upang --- nang makakain ang ating mga kababayan.
Bilang inyong Pangulo ay asahan ninyo na laging susuportahan ang agrikultura ng ating administrasyon. [applause]
Ito po kaya naman po ako ay inappoint (appoint) ko po ang sarili ko bilang Kalihim ng Department of Agriculture [applause] dahil po lahat ng aming pag-aaral, lahat ng aming pagpaplano tungkol sa pagbangon ulit ng ating ekonomiya ay nandiyan lagi ang agrikultura.
At kung hindi maganda ang produksyon ng agrikultura ay hindi natin mapapaganda ang ekonomiya dahil nga naman, kung hindi mo maipakain ang sarili ninyong mga kababayan ay papaano niyo pagtatrabahuhin, papaano niyo pag-aaralin ‘yung mga bata kung hindi ito ay nabibigyan ng sapat ng pagkain.
Kaya po naging prayoridad ang agrikultura. Ngayon naging sentro po ng aming mga pinaplano. Kaya naman po dito ginawa --- kung nakikita ninyo mga makinarya na naka-display doon sa labas ay para naman tayo ay gumagawa na, nagma—manufacture na tayo ng sarili natin nang sa ganun ay hindi na kailangan tayo umasa sa importation.
Nakita naman natin kung anong nangyari noong masyado tayong umaasa sa importation noong nagkaroon ng lockdown, noong hindi tayo makapag-import eh nahirapan tayo sa food supply. Nagtaasan pa ang presyo, tumaas pa ang presyo ng fertilizer. Lahat po ito --- ang lahat ay kailangan natin tingnan at pag-aralan para makahanda tayo.
Na kung sakali man ito’y mauulit ay tayo naman ay may gagawin. Mayroon tayong nakahanda at masasabi natin kahit na hindi na tayo mag-import ay mayroon tayong sapat na supply na pagkain para sa ating mga mamamayan. ‘Yan po ang ating hangarin. ‘Yan po ang layunin ng --- hindi lamang ng Department of Agriculture, kung hindi pati lahat ng buong pamahalaan dahil sa halaga ng inilalagay natin sa agrikultura at lalong-lalo na sa ating mga magsasaka.
Ito po ay patuloy natin --- ay bibigyan po ng lahat ng tulong na kinakailangan dahil alam po natin na ang ating mga magsasaka, pati na kasama na natin ang ating mga nag-aalaga ng hayop, pati na ‘yung mga mangingisda ay lahat po ‘yan ay alam naman natin, ‘yan ang sektor na talagang mabigat ang tama ng pandemya at pagkatapos ‘yung giyera sa Ukraine. Kaya’t nagtaasan ang produkto.
Kaya’t ‘yun ang kailangan natin tingnan nang mabuti. Kaya’t ‘yan po ‘yung lagi kong sinasabi ‘yung value system mula sa umpisa, sa production, sa research and development, kagaya ng ginagawa rito, kaya’t mayroon na tayong mga local manufactured na makinarya ay hanggang sa pagtatanim, hanggang sa pag-aalaga, hanggang sa pag-aani, hanggang sa post-production facilities, pati na sa pautang, pati na hanggang sa transportasyon para dalhin ang produkto sa ating mga mamimili.
At ‘yan po --- ang ginagawa po natin ay pinapatibay natin ‘yan nang sa ganun ay kagaya ng aking nasabi, kahit ano pang mangyari, kahit na magka-krisis muli ay magkaroon ng El Niño halimbawa, hindi tayo makapag-import, tumaas na naman ang presyo ng gasolina.
Sana naman ay --- sasabayan na naman ‘yan ng pagtaas ng urea. Kaya’t kailangan mayroon na tayong mga local na ibang mga sagot dito sa hamon na ating mahaharap sa darating na ilang taon.
So it is still the most important part of all our planning. And that is why --- kaya naman po, ngayon ay inaalala namin ay ang El Niño. At kami po ay gumagawa kami ng maraming plano upang hindi naman mabawasan ang patubig.
Alam naman natin ‘yan ang puno’t dulo kapag napunta tayo sa agriculture, ay ‘yan po ang puno’t dulo ay ang irigasyon.
Kaya’t ‘yan po ay tinitiyak namin na kahit papaano, babaguhin pa natin ‘yung mga design ng mga ginagawang dam, ‘yung mga dam pang-flood control, linalagyan na rin natin ng --- kasama noon may elemento na ng irigasyon. Pati na kuryente ang ating ginagawa.
Maganda nga nakita ko, ‘yung ibang --- ‘yung isang pump, ‘yung bomba doon pang-irrigation hindi na kailangan ng kuryente at may sarili siyang solar. Ganyang klaseng mga teknolohiya ang ating kinakailangan.
At ‘yan ang ating mga pinapag-aaralan nang mabuti upang tayo naman ay makikita natin na gaganda po ang ani, na gaganda po --- dahil maganda ang R&D natin, maganda ang research and development natin sa mga iba’t ibang varieties, kung ano ‘yung gagamitin sa dry season, anong gagamitin sa wet season.
Hindi lamang para sa palay kung hindi pati na sa lahat ng ibang produkto, ‘yung mga high value products, ‘yung high value agricultural products, kasama na rin po diyan sa ating research and development.
At ito po ay upang maging independent ang Pilipinas sa larangan ng agrikultura. ‘Yan po ay sana naman darating na rin ‘yung panahon, ‘yung naipangako ko, palapit nang palapit na tayo sa 20 piso para sa bigas. Eh dahan-dahan natin aabutin ‘yan. Basta’t pagandahin natin ang sistema.
Ang atin namang mga magsasaka, maaasahan natin ang mga magsasaka natin basta’t maturuan sa mga bagong sistema, sa mga bagong natutunan natin sa ibang lugar at natutunan natin sa research and development ng mga PhilRice, ‘yang CLSU.
Lahat po ng ating --- ng DA, lahat po, PhilMech, lahat po ng mga nagre-research sa iba’t ibang --- sa iba’t ibang bagay dito. Kaya’t asahan po ninyo na nandito po kami sa likod ninyo at hindi po namin kinakalimutan kapag…
Lagi kong --- paulit-ulit ko pong sinasabi. Lalo --- kaya’t sasabihin ko sa ating mga magsasaka. Kung minsan ang usapan ay napupunta lamang sa production. Sinasabi taasan natin ang production, taasan natin ang production.
Ang lagi kong pinapaalala sa lahat ng ating mga kasamahan sa pamahalaan, hindi lang dapat tumaas ang production, dapat gumanda pa rin, gumanda pati ang hanapbuhay ng ating mga magsasaka [applause] para naman hindi nahihirapan, hindi na malubog sa utang.
Kaya’t ‘yung mga naipaliwanag ni Senator Cynthia ay nilalagay natin ‘yan para mayroon tayong pagkukuhanan na pautang para sa ating mga farmer. Isa pa lang ‘yun. Lahat po ito ay iisa-isahin po natin hangga’t masasabi natin at muli babalik ako rito at masasabi natin naabutan na natin ang ating mga pangarap.
Tayo na ay siguro we are --- paabutin lang natin ng mga 95 -6, -7 percent na self-sufficiency sapat na ‘yun. Kasi naman ‘yung mga specialty rice, imported talaga ‘yan. Hindi importante ‘yun. ‘Yung importante ‘yung pangkaraniwan na mamamayan at paaabutin po natin ‘yan sa tulong ninyo at sa ating pagkakaisa sa pamahalaan at sa taong-bayan.
Maraming salamat po. Magandang tanghali po sa inyong lahat. Mabuhay po kayo!
--- END ---
Watch here: Distribution of DA assistance
Location: PhilMec, Science City of Muñoz in Nueva Ecija