LUCENA CITY, Quezon (PIA) — Target ngayon ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon na palakasin ang sektor ng kababaihan sa pamamagitan ng pagbibigay ng tulong pangkabuhayan at pagsusulong ng magandang kalusugan ng mga ito.
Ito ang binigyang diin ni Quezon Governor Angelina “Helen” Tan sa Kapihan sa PIA program ng Philippine Information Agency - Quezon nitong Miyerkules kung saan inilahad niya ang mga programa para mapaunlad ang sektor ng kababaihan sa lalawigan.
Ayon kay Tan, may nauna nang mahigit na 1,700 piling kababaihan sa lalawigan ang nabigyan ng pangkabuhayan package katuwang ang Department of Labor and Employment (DOLE) - Quezon.
Nakahanay na din aniya ang iba’t ibang uri ng livelihood trainings para sa mga kababaihan na ipapatupad katuwang ang DOLE, Department of Trade and Industry (DTI) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Inilahad rin ng Gobernadora na magbibigay din ng panimulang puhunan at “tool kit’ ang pamahalaang panlalawigan sa mga kakabaihang sasailalim sa pangkabuhayang pagsasanay.
Isusulong din ni Tan ang pakikipagtulungan sa mga Rural Health Units (RHUs) sa buong lalawigan upang maibigay ng libre at regular na cervical at breast screening sa mga kababaihan.
Kaugnay nito ay nakatakdang ipagdiwang sa Marso ang Buwan ng Kababaihan sa lalawigan ng Quezon kung saan tampok ang ‘women entrepreneurship’ at ‘women’s health’ bilang sentro ng selebrasyon. (Ruel orinday, PIA-QUEZON)