No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Gasan LGU, nakiisa sa pagdiriwang ng National Disability Week

GASAN, Marinduque (PIA) -- Ipinagdiwang at nakiisa ang Lokal na Pamahalaan ng Gasan sa ika-45 taong selebrasyon ng National Disability Prevention & Rehabilitation Week na may temang 'Persons with Disabilities Accessibility and Rights: Towards a Sustainable Future Where No One is Left Behind.'

Layunin ng gawain na palakasin at paigtingin ang pagkakaisa sa pagitan ng iba't ibang ahensya ng gobyerno at sektor ng lipunan nang sa gayon ay lubos na maunawaan ang mga suliraning kinahaharap at malasakit na kinakailangan ng mga may kapansanan.

Sa mensahe ni Mayor Rolando Tolentino, sinabi niya na patuloy na sinisikap ng Gasan LGU katuwang ang Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) na tugunan ang mga pangangailangan at programang nararapat para sa mga Persons with Disabilities (PWD) sa tulong ng Pamahalaang Panlalawigan.

Samantala, matagumpay ring isinagawa ang pagbuo ng mga bagong opisyales ng PWD Provincial Council kung saan ay hinirang si Lolita Perlas bilang pangulo ng samahan.

Iniluklok din bilang mga bagong pinuno sina Maureen Seńo ng PWD Parent/Guardian at Ma.Theresa Magparanglan, kalihim para sa Provicial Women with Disability.

Ang NDPR Week ay ipinagdiriwang sa buong bansa tuwing ikatlong linggo ng Hulyo sa pamamagitan ng Proclamation No. 361 bilang paggunita sa araw ng kapanganakan ng dakilang paralitiko at pambansang bayani na si Gat Apolinario Mabini tuwing Hulyo 23. (RAMJR/AMKDA/PIA MIMAROPA - Marinduque)

About the Author

Romeo Mataac, Jr.

Writer

Region 4B

Romeo is the information center officer of Philippine Information Agency-Marinduque.

Feedback / Comment

Get in touch